Ang deklarasyong ito ang siyang inaasahang gaganyak sa pagbabalik na sa Pikit kabilang na ang Liguasa Marsh ng 40,000 pamilyang lumikas mula nang magkaroon ng engkuwentro ang tropa ng militar at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Presidential Assistant on Mindanao Affairs Jesus Dureza, ang deklarasyong ito ang siyang hahatak sa pagpasok ng dayuhang kapital na magiging kapaki-pakinabang hindi lang sa mga naninirahang residente sa naturang lugar kundi maging sa mga nagbabalik-loob na mga rebelde.
Sa ginanap kahapong press briefing, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Dionisio Santiago, bagaman walang direktiba mula sa Pangulo na paalisin ang tropang militar sa Pikit, nagpasiya siyang isagawa ang hakbang para mapawi ang agam-agam ng mga residenteng nagsisibalik na sa Pikit matapos ang bakbakan.
Sinabi ni Gen. Santiago na ang mga aalising sundalo ay mananatiling magbabantay sa palibot ng lugar para matiyak na hindi mapapasok ito ng mga miyembro ng Pentagon Gang at iba pang sindikato ng krimen.
Nilinaw naman ni Defense Secretary Angelo Reyes na ang pagpapaalis ng mga sundalo sa Pikit ay hindi para pagbigyan ang kahilingan ng MILF bilang kundisyon sa pagbabalik nila sa hapag ng negosasyong pangkapayapaan sa Kuala Lumpur, Malaysia. (Ulat ni Lilia Tolentino)