Trader dinukot na tinodas pa

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Natagpuang patay sa madamong lugar na sakop ng Barangay Sungay East, Tagaytay City ang dinukot na trader sa sabungan ng Taal Coliseum, Batangas ng anim na hindi kilalang armadong kalalakihan kamakalawa.

Bandang ala-1:45 ng hapon ng ipagbigay-alam ng mga residente sa himpilan ng pulisya na ang bangkay ni Giselo Catapang, 41, ng Barangay Halang, Taal, Batangas ay nadiskubre.

Napag-alaman sa autopsy ng pulisya, tatlong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktima.

Sa salaysay ng dalawang kapatid ni Giselo, namataan nila ang biktima na papasok ng naturang sabungan at ipinarada ang minanehong scooter (VB-8176).

Ilan sa mga nakasaksi sa pangyayari ay kinaladkad ng anim na hindi kilalang lalaki ang biktima bago isakay sa van at hindi na muling nakita.

May palagay ang pulisya na itinapon ang bangkay ng biktima sa nabanggit na barangay para iligaw ang mga imbestigador. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments