Linggo pa lamang ay nagpakalat na ng mga sundalo sa boundary ng mga bayan ng Datu Paglas at Buluan sa Mindanao island matapos na isumbong ng mga residente ang tungkol sa balak ng MILF.
May 100 MILF rebels ang namataan na nagtitipon sa nasabing lugar at dito sila natiyempuhan ng mga sundalo.
Dalawang OV-10 bomber planes agad ang bumomba sa rebel positions na nag-iwan agad ng 10 MILF rebels na patay, pahayag ni regional army spokesman Major Julieto Ando.
Sinabi ni local army brigade commander Colonel Agustin Dima-ala na plano nilang bombahin ang steel towers bilang bahagi ng kanilang destabilization offensive sa mga non-combatants at non-military targets.
Naubusan na umano ng mga bala at lakas sa pagtakbo ang mga rebelde kaya ibinaling nila ang kanilang natitirang puwersa sa destabilisasyon.
Una rito, nagsabog ng dilim ang MILF sa buong Mindanao nang mag-blackout ang buong rehiyon matapos pasabugin ang transmission towers kung saan 18 milyon katao ang naperwisyo.
Ang 12,500-member MILF ay may dalawang dekada nang nakikipaglaban para sa pagtatayo ng isang independent Islamic state.