Quarry operator todas sa ambush ng NPA; 3 pa sugatan

CAMP GEN. ALEJO SANTOS, BULACAN – Isang marble quarry operator ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan nang tambangan ng armadong kalalakihan na nagpakilalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kinalululanan ng mga itong six wheeler truck sa Sitio Cogonan, Brgy. Sibul, San Miguel ng lalawigang ito kamakalawa ng umaga.

Batay sa report na tinanggap ni P/Supt. Arnold Gunnacao, Chief ng Bulacan PNP Intelligence Command, kinilala ang nasawi na si Rodante Marcial, 35-anyos, may asawa.

Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga nasugatang biktima na sina Ronnie Vergara, 30 at dalawang helper na sina Edzel Lazaro, 28 at Virgilio Santos; pawang residente ng nabanggit na barangay.

Himala namang nakaligtas sa insidente ang dalawa pang pahinante na kinilala namang sina Eduardo Ibabao, 36 at Sandy Lazaro, 38-anyos.

Ayon sa inisyal na ulat, ang mga biktima ay lulan ng nasabing dump truck habang tinatahak ang highway ng Brgy. Sibul bandang alas-11:30 ng umaga nang tambangan ng mga rebelde.

Bigla na lamang umanong pinagbabaril ng mga rebelde ang mga biktima kung saan ay narekober sa pinangyarihan ng insidente ang may 116 rounds ng bala ng M14 at M16 rifle. Agad namang inako ng mga nagsitakas na rebelde ang pamamaslang sa mga biktima.

Naghihinala ang mga awtoridad na ang pagtanggi ng kumpanya ng isang quarrying firm na pinagtatrabahuhan ng mga biktima para magbayad ng ‘revolutionary tax’ sa rebeldeng kilusan ang motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments