Barangay kagawad dedo sa Russian roulette

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Dahil sa paglalaro ng Russian roulette ay naging ugat ng kamatayan ng isang 25-anyos na barangay kagawad makaraang pumutok ang baril na hawak sa sintido habang nag-iinuman ng alak sa Barangay Gasak, Tugatog, Meycauayan. Bulacan kamakalawa ng hapon.

Duguang bumulagta ang biktimang si Danilo Evangelista Jr., binata at residente ng St. Francis Subdivision ng nabanggit na barangay.

Napag-alaman na ang biktima ay anak ni dating P/Supt, Danilo Evangelista Sr., naging hepe ng Baliuag police station at ngayon ay retirado na.

Naitala ng pulisya ang pangyayari bandang alas-5:30 ng hapon sa labas ng bahay ng hepe ng barangay tanod.

Masayang nag-iinuman ng alak ang biktima at ilang kaibigan dahil sa birthday ng hepe ng brgy. tanod.

Nabatid pa na medyo lango na ang biktima nang magyayang maglaro ng Russian roulette.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan habang nakatutok sa sintido ang hawak na baril ng biktima ay biglang umalingawngaw ang malakas na putok na ikinasawi nito. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments