Mayor hinatulan ng Sandiganbayan na makulong

Hinatulan kahapon ng Sandiganbayan Fourth Division ng anim hanggang dalawampung buwang pagkabilanggo si Taytay, Rizal Mayor June Zapanta makaraang mapatunayang nagkasala ng illegal detention laban sa isang 80-anyos na lolo at dalawang obrero noong Hunyo 13, 2000.

Bukod sa ipinataw na hatol ni Associate Justice Gregory Ong kay Mayor Zapanta, pinagbabayad din siya ng P10,000 bilang danyos perwisyo kay Simeon Osum.

Sa isinumiteng salaysay ni Osum sa Sandiganbayan na ginagawa nila ang pintuan ng Exodus Day Care Center sa Cainta, Rizal nang dumating si Mayor Zapanta na may kasamang kalalakihan na pinaniniwalaang mga pulis.

Giniba ng mga tauhan ni Mayor Zapanta ang ginawang pader kaya kinuwestiyun ni Osum ang ginawang pagwasak, ngunit sa halip na sagutin siya ng alkalde ay sinakal ng mga alalay ng Mayor at pinagmumura naman siya ni Zapanta.

Matapos ay inutusan ni Mayor Zapanta na posasan si Osum kasama sina Apolinar Reyel at Aldrin Serios saka ikinulong sa naturang himpilan ng pulisya.

Base sa record ng Sandiganbayan, ikinulong ni Mayor Zapanta sa Rizal police station noong Hunyo 13, 2000 mula alas-11 ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Sa paliwanag naman ni Mayor Zapanta na ipinaaresto niya si Osum dahil sa may reklamo siyang natanggap na sinisira nila ang naturang day care center. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments