Mister pinatay dahil sa basura

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Pinaniniwalaang pagtatapon ng basura sa bakuran ang naging ugat ng kamatayan ng isang 38-anyos na mister makaraang pagbabarilin ng kanyang kapitbahay habang naglalakad sa Tropical Village, Barangay San Francisco, General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi.

Binistay ng bala ng kalibre .45 baril ang katawan ni Arnulfo Ocfemia, samantala, ang suspek na kaagad namang nasakote ay nakilalang si Christopher Erma, 25, binata na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO2 Isagani Culanding, naitala ang krimen bandang alas-7:30 ng gabi at pinalalagay na matagal na alitan tungkol sa basurang itinapon ng biktima sa bakuran ng suspek na minasama naman nito. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments