Ang muling pagsiklab ng sagupaan ay nagsimula kamakalawa nang tambangan ng mga rebeldeng MILF ang tropa ng militar na ikinasawi ng pitong sundalo. Ito ay ganti ng MILF sa naunang pagsalakay sa kanilang balwarte sa Buliok complex ng militar.
Sinabi ni Major Julieto Ando na inalarma na nila ang mga sundalo sa posibleng muling pagsalakay ng mga rebelde sa Abubakar, pinakamalaking balwarte ng MILF na ngayon ay tinayuan ng kampo ng militar.
Binalaan naman ng militar ang mga sibilyan na pansamantalang iwasan ang maglakbay sa highway sa tuwing sasapit ang dilim dahil na rin sa tumitinding banatan ng militar at rebelde.
Gayunpaman, ipinahayag ni Eduardo Ermita, chief government peace negotiator na isusulong pa rin nila ang peace talks sa mga rebeldeng MILF, ngunit sa kondisyong susundin ng mga rebelde ang nilagdaang ceasefire noong 2001.
Ipinagtanggol naman ni Ermita ang tropa ng militar sa ginawang pananakop sa Buliok complex dahil sa nilabag ng MILF ang kondisyon ng ceasefire na kupkupin ang grupo ng mga terorista at Pentagon Gang na sangkot sa kidnap-for-ransom.