Apat rin sa mga suspect ang nadakip habang nagtatangkang tumakas kaugnay na rin ng pinalakas na operasyon ng pulisya laban sa gun ban.
Kinilala ang dalawang nasugatang pulis na sina P/Chief Inspector Nixon Muksan at ang deputy nito na si Capt. Rodrigo Morano na nasugatan sa saglit na labanan.
Nakilala naman ang mga napaslang na suspect na sina Sanny Alih at Mohammad Nur habang ang sugatan ay si Julkanain Juhan.
Ang mga nadakip ay sina Jamaani Nadih, Mujan Sawajaan, Isan Halo at Ibs San.
Base sa ulat, naglunsad ng operasyon ang police commandos sa ilalim ng 1st Mobile Group laban sa tinatayang 20 hanggang 40 armadong kalalakihan na namonitor ang pagpapalakas ng puwersa sa Brgy. Arena Blanco, may siyam na kilometro ang layo sa lungsod ng Zamboanga.
Sinabi ni P/Chief Inspector Antonio Clarito, Spokesman ng Zamboanga City Police at Operations Branch Commander na sumiklab ang labanan dakong 6:45 ng gabi sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga miyembro ng H-World United Nations Armed Forces, isang pseudo military group ng salubungin ng mga ito ng pagpapaulan ng punglo ang raiding team.
Ang nasabing grupo ay nauna ng napagkamalang mga miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf pero sa isinagawang beripikasyon ay nakumpirmang mga kasapi ang mga ito ng naturang pseudo military group.
Bunga ng sagupaan ay nagpanakbuhan ang ilang mga residente sa ibat-ibang direksiyon.
Sinabi pa ng pulisya na ang mga suspect ay pawang mga tubong Sulu.
Nakatakda namang sampahan ng kasong frustrated murder at illegal possession of firearms ang mga suspect. (Ulat ni Roel Pareño)