Hepe ng Cabuyao Police tinodas ng NPA

Camp Pantaleon Garcia, Cavite –Trahedya ang inihatid ng araw ng mga puso sa buhay ng isang hepe ng Cabuyao Police Station matapos itong tambangan hanggang sa mapaslang ng apat na armadong kalalakihan na nagpakilalang mga miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Silang ng lalawigang ito kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na natadtad ng mga tama ng bala sa ulo at katawan na si P/Supt. Eriberto Paglinawan, nasa hustong gulang, kasalukuyang hepe ng Cabuyao Laguna at residente ng Munting Ilog ng nabanggit na munisipalidad.

Ayon sa isang nakasaksi sa pangyayari, ang mga suspect ay armado ng cal. 45, isang M16, M14 at isang cal. 9MM.

Base sa report ni P/Chief Inspector Conrado Gongon, Chief ng Silang Police, dakong alas-7:30 ng umaga ng maganap ang insidente habang ang biktima ay lulan ng kaniyang kulay puting kotseng Toyota Corolla na may plakang SDS-725 sa kahabaan ng highway ng Brgy. Lumil, Silang.

Napag-alaman na ang biktima ay papasok na sa trabaho kung saan ay nagmenor ito dahilan sa ‘humps’ nang bigla na lamang magsulputan ang mga armadong rebelde na agad pinagbabaril ang biktima.

Matapos na mapaslang ang biktima ay tinangka pa umano ng mga suspect na tangayin ang kotse nito subali’t hindi na ng mga ito mapaandar ang sasakyan kaya’t tinangay na lamang ang apat na baril ng naturang hepe.

Ang mga suspect ay tumakas lulan ng isang hinarang na sasakyan na pag-aari ni Mr. Benjamin Balayan, residente ng Brgy. Calubcob, Silang, Cavite na walang nagawa matapos tutukan ng baril ng mga rebelde.

Narekober naman ng pulisya sa isinagawang follow-up operations ang get away car ni Balayan sa panulukan ng Brgy. Hoyo sa bayan ng Silang.

Samantala, inalis na ng pulisya ang anggulo na mga hitman ng mga rebeldeng NPA ang may kagagawan sa pagpaslang sa biktima habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesman P/Sr. Supt. Leopoldo Bataoil na personal na sigalot umano ang sanhi ng naturang krimen. (Ulat nina Cristina Go-Timbang,Danilo Garcia )

Show comments