Ayon kay Capt. Alejandro Flora Jr., Coast Guard station commander, 93 containers ng pinaghihinalaang smuggled rice na may halagang P53 milyon ang nakumpiska na tangkang ipuslit sa Batangas Port lulan ng M/V Nossa Senora de Fatima ng Negros Navigation.
Sinabi ni Capt. Flora, galing umano ang barko na may lulang mga smuggled rice sa Polloc, Cotobato City at nakatakdang dumaong sa North Harbor pero biglang nagbago ng ruta at dumaong sa Batangas Port.
"Out of 93 container vans, 73 were positively identified as carrying smuggled rice with imported quality and only 50 containers were declared and 43 others were not based on the manifest," wika pa ni Flora.
Ayon naman sa kinatawan ng BOC sa nasabing Port, taliwas sa deklarasyon ang nilalaman ng mga container vans na dapat ay sardinas at mais ay pawang mga imported rice ang laman nito.
Ang consignee ng nasabing kontrabando ay ang Beri Farm, SCC farm at Agro farm na pinaniniwalaang mga bogus companies.
Kinumpiska ng BOC ang nasabing kontrabando at nakatakdang ipasubasta ito sa publiko. (Ulat ni Arnel Ozaeta)