Nag-ugat ang clan war sa suntukan nina Alayon Ansal, isang Tausog na mangingisda at nagngangalang Salik na isang tubong Maranaw.
Napag-alaman kay Roger Wahid, isang Tausog evacuee na nagsimulang sumiklab ang kaguluhan sa fishing village matapos na mabaril at mapatay ang utol ni Balabagan Mayor Edna Sampiano na si Atty. Cabili Sampiano habang nagsasagawa ng reconciliation meeting noong Biyernes sa kampo ng angkan ni Ansal at kalabang angkan ni Salik.
Sa inisyal na imbestigasyon, nag-walked-out ang angkan ni Ansal sa pagpupulong at nang bumalik ay may mga dalang baril.
Pinilit naman payapain ni Cabili ang ilang angkan ni Ansal at disarmahan subalit pinagbabaril na ang biktima kaya gumanti naman ang mga security escort ni Cabili na ikinasawi ni Alayon Ansal at anak nitong si Nasser.
Dito na nagsimulang magbarilan ang magkalabang angkan hanggang sa mapatay ang iba pa kabilang na ang walong taong gulang na batang babaeng Tausog na naipit sa putukan.
Pinaligiran naman ng mga armadong suporter ng angkan ni Sampiano ang Barangay Dapdap upang walang makalabas na Tausog.
Kaagad na kumalat ang labanan sa tatlong barangay na naging sanhi upang magsilikas ang daang pamilya para hindi madamay sa matinding sagupaan.
Inaalam pa kung may lima pang nasawi sa naganap na bakbakan habang nagsasagawa naman ng plano ang grupo ng Maranaw at Iranon religious leader upang maresolba ang clan war.
Sa kasalukuyan ay hindi makuha ang panig ni P/Chief Acmad Omar, ARMM police director tungkol sa nagaganap na sagupaan. (Ulat ni John Unson)