5 pulis kinasuhan ng kidnap for ransom

SAN PEDRO, Laguna – Lima na pulis mula sa Laguna Intelligence and Investigation Group (LIG) ang kinasuhan kahapon ng kidnapping makaraang isabit sa pagdukot sa tatlong negosyanteng Maranao sa Biñan noong nakalipas na linggo.

Ang kasong kidnap-for-ransom na isinampa sa Municipal Trial Court ng San Pedro ay kinasasangkutan nina P/Chief Insp. June Urriquia, P/Insp. Francisco Barcala, SPO1 Domingo Barairo, PO1 Victor Dimasapit at PO1 Alexander Sumilang na pawang nakatalaga sa LIIG operatives sa Sta. Cruz, Laguna.

Ang limang pulis na kumidnap sa tatlong Maranao trader ay positibong kinilala ng mga kaanak ng mga biktima matapos na magsagawa ng buy-bust operation ang grupo ng LIIG noong Enero 13, 2003 at humihingi ng P1-milyong ransom kapalit ng kalayaan.

Sinabi ni P/Sr. Insp. Edwin Corvera, Laguna police director, ang mga akusado ay kinilala nina Jimmy Dapat, Pangalian Sultan at Umbay Alim sa isinagawang police line-up sa PNP headquarters sa Sta. Cruz, Laguna.

Sinibak din sa puwesto si P/Sr. Supt. Rafael Aguilar bilang hepe ng LIIG na naunang nagsabing lehitimo ang pagkakaaresto sa tatlong trader.

Sa sinumpaang affivadit ni Latif Manding Dimaporo, isa sa mga kaanak ng biktima na itinuro nito si Urriquia na nakipagnegosasyon para mapalaya ang mga trader kapalit ng P1-milyon hanggang sa bumaba ng P210,000. (Ulat ni Rene M. Alviar)

Show comments