Kinilala ni Chief Inspector Conrado Gon-Gon, chief of police ng bayang ito, ang biktima na si Mauricio Ramos, 36 anyos, nakatalaga sa Sangley Point at naninirahan sa Barangay Bulihan.
Batay sa pahayag ni Marilyn de Castro, pamangkin ng biktima, hinanap niya ang kanyang tiyuhin hanggang sa makita na nasa loob ito ng kanyang nakaparadang kotse.
Inakala naman nito na natutulog lamang ang kanyang tiyuhin pero ng pinipilit na nitong gisingin ang sundalo ay hindi na ito magising.
Ayon kay PO1 Dennis Patambang, may hawak ng kaso, posibleng nalason sa ibinubugang kemikal ng air-con sa loob ng kanyang sasakyan ang naging sanhi ng kamatayan ng sundalo.
Walang nakitang mga sugat o pasa sa katawan ng biktima.
Napag-alaman pa ng pulisya mula sa kamag-anak ng sundalo na palagi itong natutulog sa loob ng kanyang kotse at nakabukas ang air-con nito.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung mayroong sakit sa puso o inatake ang sundalo kaya hindi na ito nagising habang natutulog sa loob ng kanyang sasakyan. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)