3 kawal patay sa sagupaan

CAMP AGUINALDO – Tatlong miyembro ng Philippine Marines ang kumpirmadong nasawi samantala anim pang sundalo ang malubhang nasugatan matapos na makaengkuwentro ang pinagsanib na puwersa ng Abu Sayyaf at Misuari Breakaway Group, kahapon ng umaga sa kagubatan ng Patikul, Sulu.

Hindi naman agad ipinalabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakakilanlan ng mga sundalong nasawi at nasugatan na pawang mga miyembro ng 1st Marine Recon Landing Team at 4th Marine Battalion Landing Team.

Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, dakong alas-7 ng umaga nang maganap ang sagupaan sa bisinidad ng Brgy. Candobal, Patikul, Sulu.

Nabatid na nagsasagawa ng combat operation ang tropa ng militar nang kanilang matiyempuhan ang may 200 bandido sa pamumuno na rin ni ASG Commander Radullan Sahiron sa nabanggit na lugar kung saan agad na nagkaroon ng palitan ng putok.

Tumagal naman ng ilang oras ang palitan ng putok hanggang sa umatras na ang mga bandido dahil nagkaroon ng responde sa panig ng militar.

Ayon naman kay Marine Spokesman Capt. Ferdinand Marcelino, marami rin sa mga bandido ang nalagas bunsod na rin ng mga nakitang bakas ng dugo sa lugar ng insidente.

Ang nabanggit na grupo ng mga bandido ang sinasabing may hawak pa rin sa tatlong Indonesian crew na dinukot noong nakalipas na Hunyo 2002 at sa apat na miyembro ng Jehovas Witness noong Agosto ng nakalipas ding taon.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments