Walong saksak ng patalim sa ibat ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Benjamin Tulabot, 56, dating postmaster ng Rosario, Cavite at residente ng Carissa Subdivision, Barangay Punta.
Si Tulabot ay naging matalik na kaibigan ni Viña sa Rosario post office at nagkataon naman na hepe ng pulisya ng nabanggit na bayan ang pinatay na dating opisyal ng pulis.
May palatandaan din na sinakal si Tulabot nang matagpuan ang bangkay nito bandang alas-7 ng umaga.
Napag-alaman pa na si Tulabot ay ilan lamang sa mga bisitang nakaupo sa mahabang lamesa noong itumba si Viña noong gabi ng Enero 7, 2003 sa Barangay Santol, Tanza, Cavite.
Sa panayam naman ng PSN kay P/Sr. Supt. Roberto L. Rosales, Cavite provincial police director, sinabi nito na walang kinalaman ang pagkamatay ni Tulabot kay Viña dahil sa kasalukuyan ay nakilala na ang suspek na si Jhimmy Dojinog, 32, mason, may asawa ng Brgy. Cruses at isang hindi nabatid na kasamahan.
Sinabi pa ni Rosales na pinatay si Tulabot ng kanyang trabahador na si Dojinog at isa pang hindi nabatid ang pangalan dahil sa pagkairita sa ginawang paninita at maanghang sa salita ng biktima dahil na rin sa hindi tinapos ang ipinagawang barandilya kahit na naibigay na ang suweldo ng dalawa.
Magugunitang si Viña ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng suspek na si Medar T. Cruz, 28, isang balikbayan mula sa Virginia, USA.
Kabilang sa nakasaksi sa pagkakapatay kay Viña ay sina General Trias Mayor Dencito Campaña, Asst. Prosecutor Emmanuel Velasco, dating pulis na si Totoy Dones at Rene Arenas. (Ulat nina Mario Baco at Cristina Go-Timbang)