Taxi driver dinedo ng mga holdaper

Kalunus-lunos ang sinapit ng isang taxi driver matapos na holdapin ay binurdahan pa ng saksak ng hindi pa nakilalang grupo ng mga pinaghihinalaang notoryus na holdaper sa Antipolo City kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima na kinilalang si Rodolfo Gomez, Jr., 50-anyos at residente ng #5 Jem st. Banlat Tandang Sora, Quezon City.

Nagsitakas naman ang mga suspek na nagtatakbo sa madilim na bahagi ng subdibisyon subalit naiwan ang balisong na ginamit sa pamamaslang sa biktima.

Ayon kay SPO1 Vic Madamba, may hawak ng kaso, maaaring isa hanggang tatlo katao ang pumaslang at humoldap sa biktima dahil sa may indikasyon na lumaban ang biktima nang magtamo ito ng mga tama ng saksak sa kanyang mga braso at palad.

Base sa report, ang insidente ay naganap dakong alas-9:49 ng gabi matapos makatanggap ng tawag ang istasyon ng Antipolo City Anex -1 mula sa nagngangalang Mrs. Halili at sinabi nito na mayroong taong nakahandusay na duguan sa harap ng nasabing paaralan.

Halos napuno naman ng dugo ang taxi ng biktima na may plakang PYD-402 na siyang nagpatibay sa indikasyon na nanlaban ito sa mga holdaper at nawawala ang kinita sa pamamasada at iba pang mga alahas. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments