Cavite PNP director naghamon ng suntukan, barilan

Nahaharap ngayon sa balag ng alanganin na masibak sa puwesto bilang Cavite PNP provincial director si P/Senior Supt. Roberto L. Rosales makaraang maghamon ng suntukan at barilan ang una sa loob ng kanyang opisina laban sa isang tabloid reporter na kanyang ipinatawag kamakalawa ng umaga sa Camp Pantaleon Garcia, Imus, Cavite.

Sasampahan ni Jun. M. Valdecantos, tabloid reporter ng Imbestigador, ng kasong grave misconduct, grave threat at unbecoming of police officer si Rosales sa opisina ng National Police Commission (Napolcom) dahil sa naganap na pangyayari dakong alas-11 ng umaga.

Sa isinumiteng testimonya ni Valdecantos kay Atty. Joshua Lapuz, legal counsel ng National Press Club (NPC) na pinatawag siya ni Rosales upang bakantihin at alisin ang lahat ng gamit sa press office sa loob ng isang buwan na nasa loob ng compound ng naturang kampo.

Nakasaad sa liham ni Rosales kay Valdecantos na pagagandahin nito ang press office upang magamit ng mga mamahayag na nakabase sa Cavite subalit hindi pumayag si Valdecantos dahil sa katwirang iniwan na siya ng mga kasamahang reporter at nagkanya-kanyang lakad.

Dito nairita ang opisyal sa sinabi ni Valdecantos kaya naghamon ng suntukan, barilan si Rosales at nagbitiw pa ng katagang papatayin ang naturang reporter kapag muling nagtungo sa kanyang opisina.

Lalong nagalit si Rosales sa ikinatwiran ni Valdecantos na hindi siya nagpunta sa naturang opisina kundi ang Cavite PNP Director ang nagpatawag sa kanya.

Pinagsabihan din ng body guard ni Rosales si Valdecantos na walang nakarinig at nakasaksi sa pangyayari kaya walang testigong maaring humarap kapag nagsampa ng kaso laban sa kanyang amo.

Isasama rin sa isasampang kaso sina P/ Supt. Rhodel Sermonia, hepe ng Intelligence and Investigation Branch at P/Insp. Salvador Laurel dahil sa nanguna sa pagwasak sa pintuana ng press office.

Sa panayam naman ng PSN kay Rosales, pinabulaanan nito ang lahat ng akusasyon ni Valdecantos laban sa kanya at ibig lamang niyang pagsama-samahin ang lahat ng mamamahayag sa iisang bubong. (Ulat ni Mario D. Basco)

Show comments