71-anyos na lola ni-rape/slay ng adik

ALCALA,Pangasinan – Walang awang hinalay at pinatay ng hindi pa kilalang suspek ang isang 71-anyos na lola na napaulat na nawawala noong Disyembre 30 matapos na matagpuan ang bangkay nito kamakalawa sa isang maisan sa Brgy.Anolid ng bayang ito.

Ang biktima ay nakilalang si Candida de Guzman del Rosario, residente ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat ng kamag-anak ng biktima sa pulisya, kanilang iniulat ang pagkawala ng kanilang lola noong Disyembre 30 matapos na magpaalam na pupunta ito sa bahay ng kapatid na babae para doon ipagdiwang ang Bagong Taon.

Ngunit nagtataka ang pamilya ng biktima nang malaman na hindi ito nakarating sa bahay ng kapatid at simula noon ay wala silang nakuhang balita rito.

Kamakalawa ng hapon ay nakarating sa kanila ang balita na may isang matandang babae ang natagpuan sa maisan.

Nang puntahan ang lugar ay ganoon na lamang ang panlulumo ng pamilya ng biktima nang makita ang bangkay nito na hubo’t hubad.

Sa isinagawang awtopsiya ni Dr. Sherante Parayno, municipal health officer, ang biktima ay positibong hinalay dahil sa nakitang natuyong dugo sa ari nito.

Pinatay sa sakal at pinagpapalo ng matigas na bagay ang biktima ng hindi pa nakikilalang suspek na pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng droga. (Ulat ni Eva De Leon)

Show comments