Ito ang nabatid kahapon sa isang mataas na opisyal ng militar na nakabase sa naturang lalawigan.
Ayon sa opisyal, ang ransom ay ipinarating ng grupo ng mga kidnaper sa pamilya kapalit ng kalayaan ng biktimang kinilalang si Anthony Lehman, 42, residente ng Quezon City at caretaker nitong si Leonardo Mariano, 39.
Sinabi ng opisyal na may sinusundan na silang lead sa pagdukot sa dalawang biktima bagaman hindi pa niya ito maisiwalat sa kasalukuyan dahil baka mabulilyaso ang isinasagawa nilang rescue operations para iligtas ang buhay ng dalawang bihag.
Inihayag naman nina Defense Secretary Angelo Reyes at Army Chief Lt. Gen. Gregorio Camiling na wala pang katiyakan kung sinong grupo ang dumukot sa mga biktima na nauna nang napaulat na mga rebeldeng komunista ang may kagagawan.
Base sa ulat, ang pagdukot ay naganap dakong alas-10 ng gabi noong Linggo sa Lehmans Westmont Resort sa Brgy. Fatima, Mamburao na pag-aari ng nasabing negosyante.
Sina Lehman at Mariano ay dinukot ng may 15 armadong mga kalalakihan sa pangunguna ni Antenor Corpuz alyas Zander.
Ang mga biktima ay inatasan ng mga kidnaper na sumakay sa van ni Lehman na nakita ng mga awtoridad sa isang follow-up operations na inabandona sa Brgy. Mulawin Sta. Cruz.
Tinangay ang mga bihag patungo sa direksiyon ng Brgy. Cortinganan ng nabanggit na munisipalidad. (Ulat ni Joy Cantos)