Barangay tanod itinumba ng adik

ANTIPOLO CITY — Nagbuwis ng buhay ang isang barangay tanod makaraang pagsasaksakin ng adik sa droga matapos na sitahin ng biktima ang huli sa pambabato sa binabantayang outpost sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na idineklarang patay sa Unciano Hospital ay nakilalang si Maximo Esparagoza, 48, ng Golden Hills Subd., San Luis ng nasabing siyudad.

Pinaghahanap naman ang suspek na kinilalang si Rodolfo Gallo, alyas Pongpong, 21, ng nabanggit na barangay.

Sa imbestigasyon ni PO3 Marlito Rivera, ang krimen ay naganap bandang alas-6:30 ng gabi sa naturang subdivision.

Sa pahayag ng anak ng biktima na kinilalang si Moises, 19, nakaupo siya sa harapan ng tindahan nang marinig niya ang kaguluhan sa iskinita na dinaanan ng kanyang ama sa Brgy. San Luis.

Nang kanya itong tingnan ay bumulaga ang sinaksak na ama kaya humingi agad siya ng saklolo.

Lumilitaw sa imbestigasyon na paghihiganti ang motibo ng suspek matapos itong mapahiya nang sitahin ng biktima sa pambabato nito sa barangay outpost na binabantayan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments