Sa ipinalabas na mensahe ng lokal na grupo ng NPA rebels sa ilalim ng pamunuan ng Chadli Molintas Command, pinasabog nila ang rebulto upang ipaalam sa pamilya Marcos ang hindi malilimutang krimen na ginawa ng dating pangulo sa Ibaloi tribes.
Ayon pa sa pahayag ng NPA, pinalayas sa kanilang ancestral homes ang tribo ng Ibaloi upang maitayo ang rebultong ulo ni Marcos sa may limang ektaryang lupain kabilang na ang golf course at club house ngunit hindi naituloy ang pagpapagawa dahil sa naganap na Peoples Power noong 1986.
"Pinasabog namin ang rebultong ulo ni Macoy dahil sa kawalang aksiyon ng bagong pamahalaan matapos na mawala sa puwesto si dating pangulong Marcos," dagdag pa ng NPA.
Samantala, hiniling naman ni Senate President Franklin Drilon na tuluyang wasakin na lamang ang rebultong ulo ni Macoy na pinasabog ng NPA rebels at kinondena naman niya ang ginawa ng mga rebelde.
Nadismaya naman si Ilocos Norte Rep. Imee Marcos sa ginawang hakbang ng mga rebelde sa rebultong ulo ng kanyang yumaong ama na maituturing na isang landmark.
"Nagpapatunay lamang na hindi maganda ang peace and order situation sa bansa partikular na sa Cordillera," ani pa ni Imee.
Sinabi naman ni Armed Forces Chief of Staff General Dionisio Santiago na ang ginawang hakbang ng NPA rebels ay isang gawain ng terorismo.
Dahil sa pagbatikos ng mga residente at ibat ibang sektor sa lipunan laban sa militar sa naganap na pagbomba sa rebultong ulo ni Macoy ay ipinagtanggol naman ni Santiago ang kanyang mga tauhan na hindi naman mababantayan ng militar ang bawat lugar ng naturang bulubundukin upang mapigilan ang pangyayari. (Dagdag ulat nina Rudy Andal at Malou Escudero)