Serial rapist nadakip nang manlaban ang biktima

CASTILLEJOS, Zambales – Nabigo ang isang kilabot na serial rapist sa bayang ito na mag-noche bueana ng kakaibang laman makaraang manlaban ang isang ginang na siyang napiling ‘putahe’ nito ngayong Pasko.

Kaagad na dinakip ng mga tauhan ni P/Sr. Insp. Nilo Santos ang suspek na si Randy Anggulo, 30, na tinaguriang ‘halimaw sa dilim’ dahil sa madidilim na lugar nito isinasagawa ang panggagahasa sa hindi na mabilang na biktima sa Barangay Del Pilar ng bayang ito.

Pansamantalang itinago sa pangalang Wewet ang biktima, 24, may-asawa at residente ng naturang lugar.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi ay bumili ng tinapay ang biktima nang ito ay lihim na sinundan ng suspek habang papauwi.

Nang madako na ang biktima sa isang madilim na bahagi ng kanilang barangay ay agad na sinunggaban ito ng suspek at pinaghihipuan ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dahil sa tapang ng biktima ay nagawa nitong makipagbuno sa suspek at nagawang makaalpas sa matitipunong braso ng suspek at agad ding nakahingi ng ayuda sa lumilibot na mga barangay tanod.

Agad na nahuli ng mga tanod ang manyakis at dinala ito sa pulisya kung saan nabunyag na siyang responsable sa serye ng rape na matagal ng palaisipan sa Castillejos PNP dahil hindi nakikilala ng mga biktima. (Ulat ni Erickson Lovino)

Show comments