Kinilala ang nasawing takas na bilanggo na si Nestor Joelor Montano, alias Dolong, 35, may asawa at may kasong murder at robbery.
Sugatan naman ang kapatid ni Dolong at nilalapatan ng lunas sa Milagros District Hospital na kinilalang si Delia Duran, 43, may asawa at residente ng nabanggit na barangay.
Sa ulat ng pulisya ay nabatid na sinadya ni Dolong na magtungo sa bahay ng kanyang nakatatandang kapatid upang dito mag-Pasko, gayunman ang kanyang inaasahang reunion sa mga mahal sa buhay ay napalitan ng trahedya nang makilala ito ng mga naglilibot na elemento ng Masbate PNP.
Isang payapang paraan umano ng pagpapasuko kay Dolong ang ginawa ng mga awtoridad noong una pero bala ang isinalubong dito ng pugante kayat napilitang gumanti ng putok ang mga ito.
Agad na bumagsak si Dolong makaraang ilang bala mula sa mga awtoridad ang tumama sa ulo at katawan nito na hindi rin sinadyang maligaw sa nakatatanda nitong kapatid.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang kal. 38 pistola na gamit ng nasawing takas at mga basyo ng balang pinaputok nito.
Si Dolong ay may tatlong buwan ng pinaghahanap ng mga awtoridad mula ng tumakas ito sa piitan. (Ulat ni Ed Casulla)