Surigao blast: 5 patay, 15 sugatan

ZAMBOANGA CITY – Magiging malungkot ang darating na kapaskuhan sa pamilya ng limang katao na namatay at sumugat sa may labinlimang iba pa matapos na masabugan ng granadang inihagis kamakalawa ng gabi sa lalawigan ng Surigao.

Sa ulat na nakarating kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Command Spokesman at hepe ng Civil Military Affairs Lt. Col. Daniel Lucero, na ang insidente ay naganap dakong alas-9 ng gabi sa bayan ng Barobo, Brgy. Tambis ng nasabing lalawigan.

Sa kasalukuyan ayon kay Lucero, ay hindi pa nila alam kung may mga babae o bata sa nasawi at nasugatan sa nasabing pagsabog ng granada.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan at inaalam nila ang motibo ng hindi pa kilalang suspek sa paghahagis ng granada sa mga sibilyan.

Inaalam pa rin kung may kinalaman dito ang rebeldeng New People’s Army (NPA) na naghahasik ng takot sa lugar dahil sa nalalapit nilang anibersaryo ng pagkatatag ng kanilang grupo sa Disyembre 26.

Ang mga nasugatan naman dahil sa tama ng mga shrapnel ay isinugod sa D.O. Plaza Hospital sa Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur. (Ulat ni Roel Pareño)

Show comments