Sa report ni city police chief Sangacala Dampaca, sumiklab ang barilan sa barracks ng militar dito na ginawang diskuhan habang nagsasagawa ng Bikini Open Show. Nakipagtalo umano ang manugang na babae ni Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan na si Bai Ingrid Ampatuan, sa negosyanteng si Marlene Chi.
Habang nagkokomprontahan, umalingawngaw ang mga putok dahilan para magkagulo at magtakbuhan palabas ng disco ang mga tao.
Patay na bumulagta si Hoffer Ampatuan, anak ni Governor Ampatuan. Kasama ring napatay si Chi at isang engineer na kinilalang si Jerry Andalin na mula naman sa kabilang political family.
Hindi naging malinaw ang dahilan ng away ng dalawang babae o kung sino ang nagpaputok na pumatay sa tatlong biktima.
Agad namang isinugod sa ospital si Andalin ng kanyang kapatid na si Nelson, kagawad at ama na si Magno, isang dating konsehal. Subalit habang nasa daan sakay ng jeep ay pinagbabaril ang mga ito ng di kilalang mga armadong lalaki na pinaniwalaang followers ng Ampatuan clan.
Narekober sa naturang lugar ang anim na basyo ng bala ng M16 armalite rifle at 2 basyo ng bala ng kalibre .45 baril.
Inutos na ng pulisya ang high alert sa buong siyudad sa gitna na rin ng mga report na ang mga tagasunod ng Ampatuan clan ay nagpaplano umanong gumanti sa mga Andalin. (Ulat ni Danilo Garcia)