Nakilala ang mga naarestong suspek na sina Jonard Buenaventura, 19 at Rudy Potane, 18, helper ng pamilyang Tan.
Base sa ulat ng Zamboanga police station, unang naaresto ng mga awtoridad si Buenaventura sa Brgy. San Roque kung saan agad na itinuro nito si Potane na responsable rin sa naganap na krimen.
Muling nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta ng pagkadakip kay Potane sa may Brgy. Lumbungan ng naturang lungsod.
Sa interogasyon, inamin ng dalawa na sila nga ang pumalo sa ibat ibang bahagi ng katawan sa mga biktimang sina Juliet, Frederick, Christopher at Catherine Tan. Ang pamilyang may-ari ng kumpanya ng alak na Vino Kulafu na lalong kilala sa tawag na sioktong.
Dinamay na rin umano nila ang mga katulong na sina Lolita, Lorita at isa pang helper na si Oliver dahil sa nakita nila ang naturang krimen.
Lumalabas din sa pagsisiyasat na may matinding sama ng loob si Potane sa pamilya dahil umano sa pagmamaltrato ng mga ito sa kanilang mga empleyado at ang umanoy hindi nito pagbibigay ng kaukulang sahod sa tamang panahon.
Nakaditine na ngayon ang mga suspek sa Zamboanga detention cell kung saan isinasailalim pa ang mga ito sa mas malalim na imbestigasyon upang mabatid kung may iba pa silang kasabwat. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong multiple murder laban sa kanila na may katumbas na parusang kamatayan. (Ulat ni Danilo Garcia)