Masaker sa Zamboanga City: 7 patay

ZAMBOANGA CITY – Malagim na trahedya ang sinapit ng mayamang pamilya na ikinasawi ng pito-katao makaraang pagpapaluin ng martilyo sa ulo ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. San Roque sa lungsod na ito noong Miyerkuels ng gabi.

Ang pitong bangkay ay nadiskubre lamang kahapon ng umaga ng kanilang family driver na si Nelson Damian ay nakilalang sina Juliet Lorenzo Tan, 47, negosyanteng Tsinoy; tatlong anak na sina Frederick, 22; Christopher, 20 at Catherine, 13, samantala, ang tatlong katulong ay nakilala lamang sa alyas na Lolita, Rolita at Oliver ay pawang pinalo ng martilyo sa ulo.

Si Juliet ay may palatandaang hinalay muna saka pinalo ng martilyo sa ulo hanggang sa mapatay, ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya.

Ang pamilya Tan ay nagmamay-ari ng plantasyon ng mangga at kalamansi sa nabanggit na lungsod at posibleng inside job ang naganap na karumal-dumal na krimen.

Nawawala naman ang stay-in houseboy ng pamilya Tan na si Rudy Botane na pinalalagay na may kinalaman sa malagim na trahedya.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na ang bangkay ng mag-iina ay nadiskubre sa magkakahiwalay na lugar sa loob ng kanilang bahay, samantala, ang dalawang katulong ay nakita sa servants quarter.

Pinaniniwalaang unang pinatay ang katulong na lalaki sa kanyang quarter bago hinatak malapit sa pintuan ng bahay.

Nadiskubre ng mga imbestigador ang motorsiklo, ng mga biktima na pinalalagay na ginamit na gateaway at inabandona sa pantalan ng naturang lungsod.

Pansamantalang hindi ibinulgar ang pangalan ng isang suspek na inaresto para makapagbigay-linaw sa pangyayari. (Ulat nina Roel Pareño at Danilo Garcia)

Show comments