Si Mayor Sakib Salajin ay mapalad na nakaligtas sa ginawang pagsalakay sa kanyang bahay ngunit ang malapit niyang kaanak na si Hadji Muin Kail ay napatay matapos na bistayin ang bahay ng mayor.
Sa isinumiteng ulat kay P/Sr. Insp. Gerry Bayabos, Basilan PNP operation chief, naganap ang pangyayari dakong alas-10 ng gabi na nagresulta upang magpulasan ang ilang residente na nagsasagawa ng dryrun para sa selebrasyon ng Basilan Day at inakalang sinalakay na sila ng grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Ayon sa inisyal na imbestigasyong nakalap ni Bayabos, nag-ugat ang pangyayari makaraang sampahan ng kaso ni Mayor Salajin ang isang konsehal na si Isri Bud na pinaniniwalaang gumawa ng hindi kanais-nais sa kanyang kaanak na babae.
Sinabi pa ni Bayabos na limang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga tauhan ni Bud ang nagtungo sa bahay ni Mayor Salajin.
Dito na nagpaulan ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga hindi kilalang armadong kalalakihan ngunit gumanti naman ang mga bodyguard ni Mayor Salajin kaya nagsiatras ang mga armadong lalaki hanggang sa mahawi ang usok at duguang bumulagta si Kail. (Ulat ni Roel Pareño)