Unang iniulat na nasawi ay ang 13-anyos na boy scout na si Bryan Morales ng Barangay Nilombot, Mapandan town.
Nabatid na si Morales ay nalunod habang isinasagawa ang scout camping sa lugar na ito.
Nagpahayag naman ng pagdududa sa kamatayan ni Morales ang tiyo nito na si Nilo dahil sa umanoy kaduda-dudang pagdadala agad ng bangkay ng biktima sa morge nang hindi ipinapaalam sa magulang nito.
Samantala sa bayan ng San Fabian ay ang 30-anyos na si Roberto Anejo ng Tarlac City naman ang siyang lumasap ng lagim ng Friday the 13th makaraang malunod ito sa isang kilalang beach resort sa lugar na ito.
Napag-alaman na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikita ang katawan ni Anejo habang kritikal rin ang kaibigan nitong si Manny Lianza, 27, na nalunod din, ngunit maswerteng nasagip.
Nagtuturuan naman ng sisi ang mga awtoridad at opisyal ng barangay sa Urbiztondo, Pangasinan makaraang malunod at masawi ang isang nagngangalang Salvador Bilingan Jr., na inanyayahan lamang ng isang Augusto Callanta sa isang kasiyahan na ginanap sa isang resort.
Sinabi ng pamilya Bilingan na napag-alaman nila ang pagkalunod ni Salvador matapos ipagbigay alam ng isa sa kaanak ni Augusto. Nagtataka naman ang mga awtoridad kung bakit walang police blotter sa naganap na insidente. Nabatid na naganap ang insidente sa Barangay Dalangirin, Urbiztondo na kung saan ang mga opisyal ng barangay dito ang siyang magbibigay ng impormasyon sa pulisya.
May higing ang mga awtoridad sa posibleng pagkakaroon ng umanoy foul play sa insidente. (Ulat ni Eva De Leon)