Pulis todas, ex-mayor grabe sa duwelo

TALUGTOG, Nueva Ecija – Isang kawagad ng pulisya ang iniulat na nasawi, samantala, malubhang nasugat naman ang dating alkalde sa bayang ito makaraang magbarilan ang dalawa sa harapan mismo ng pamilihang bayan kamakalawa ng gabi.

Patay kaagad si SPO1 Mario Ayson, nakatalaga sa Guimba police station at residente ng Brgy. Quezon District, Guimba, Nueva Ecija.

Samantala, si Floro Pagaduan na tinamaan ng bala ngbaril sa leeg ay nasa kritikal na kondisyon sa Good Samaritan Hospital sa Cabanatuan City.

Sa isinumiteng ulat kay P/Sr. Supt. Luisito Palmera, Nueva Ecija police director, naganap ang duwelo bandang alas-onse ng gabi matapos na magkitang muli ang dalawa sa naturang lugar.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na bago pa maganap ang pangyayari ay nagkaroon na nang komprontasyon ang dalawa sa videoke stall sa hindi nabatid na dahilan.

Muli na namang nagkita ang dalawa sa pamilihang bayan na nauwi sa mainitang pagtatalo sa hindi maipaliwanag na dahilan hanggang sa nagkabarilan.

Nabatid na kahit na may tama sa likuran si Pagaduan ay nakuha pa rin nitong sumuko sa pulisya. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments