Estudyante napatay sa piyesta

DASMARIÑAS, Cavite - Hindi na umabot pa ng Kapaskuhan ang isang estudyante makaraang masaksak ng mga hindi kilalang kabataang lalaki na nagkarambulan habang ang biktima ay nakikipiyesta sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Isang malalim na saksak sa dibdib ang tumapos sa buhay ni Rosemarie Fronda, 15-anyos, high school student at residente ng Barangay Salitran Uno sa bayang ito.

Hindi nakilala ang mga suspek dahil sa nagkarambulan bandang alas-10 ng gabi sa gitna ng plaza.

Ayon kay PO2 Jo Patambang, nagkaroon ng stampede dahil sa naganap na rambulan ng dalawang magkalabang grupo ng kabataan at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay aksidenteng nasaksak ang biktima. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments