Pentagon vs militar; 3 patay

Tatlong miyembro ng notoryus na Pentagon kidnap-for-ransom gang ang nasawi habang isa namang sundalo ang kumpirmadong napatay sa naganap na madugong engkuwentro sa bulubundukin ng Maguindanao.

Kasalukuyang kinikilala ngayon ng militar ang katauhan ng mga napaslang na bandido habang itinago muna ang pagkakakilanlan sa nasawi nilang kasamahang sundalo.

Sa ulat ng Philippine Army, naganap ang sagupaan sa pagitan ng 301st Infantry Brigade at ng mga bandidong kidnaper kamakalawa ng umaga sa may bisinidad ng Brgy. Mangapen, Sultan Sabarongis ng naturang lalawigan.

Nagsasagawa ng patrol operation ang mga sundalo nang masabat ang may 70 bandido na pinamumunuan umano ni Tahir Alonto.

Napilitang umatras ang mga bandido at iniwan ang 3 napatay na mga kasamahan. Dito rin nadiskubre ang pagkasawi ng isa sa mga sundalo sa clearing operation.

Isang mainit na pursuit operation ang kasalukuyang isinasagawa ngayon ng militar upang mahabol ang grupo ni Alonto. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments