Natagpuan ang bangkay ni Ronnie Valentino ng Brgy. Sta. Lucia, Narvacan, Ilocos Sur sa gilid ng provincial road sa Poblacion Sur, Lidlidda ng naturang lugar.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, may palatandaan na pinahirapan muna ang biktima bago pinagbabaril hanggang sa mapatay at itinapon sa nabanggit na lugar.
Napag-alaman pa na dalawang abandonadong sasakyan na kinabibilangan ng Toyota Tamaraw FX (UBG-619) at asul na Toyota Hi Lux (WKB-621) ang natagpuan naman may isang kilometro ang layo mula sa kinatagpuan ng bangkay ng biktima.
Sa isinagawang beripikasyon, nabatid na pag-aari ni Dr. Camilo Kagaoan ang Tamaraw FX na nakarehistro sa Batac, Ilocos Norte.
Samantala, ang isa naman ay nakarehistro sa LTO-Quezon City sa pangalan ni Benito Luis Sr. na pinaniniwalaang kinarnap saka inabandona.
May teorya ang mga imbestigador na hindi nakapagbigay ng ransom money ang pamilya ng biktima kaya tinuluyang patayin ang negosyante.(Ulat nina Danilo Garcia at Teddy Molina)