Mga gamit sa paggawa ng bomba nasabat

Nabuking ang planong pananabotahe ng mga terorista matapos masamsam ng mga awtoridad ang dalawang malalaking rolyo ng detonating cord at iba pang materyales na gamit sa paggawa ng eksplosibo sa isinagawang operasyon sa Wharf ng Brgy. Talisay, Nasipit, Agusan del Norte kamakalawa.

Sa ulat na ipinarating ng Police Regional Office (PRO) 13 sa Camp Crame, ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Nasipit Municipal Police Station (MPS) at Police Maritime Group matapos na makatanggap ng intelligence report na ibabagsak ng grupo ng mga terorista ang mga materyales na gagamitin pampasabog.

Dakong alas-8 ng umaga nang paligiran ng mga awtoridad ang nasabing daungan habang minamanmanan ang pagdating ng mga kahina-hinalang personalidad at mga materyales na ibabagsak dito.

Ilang saglit pa ay dumaan ang porter na nakilalang si Raymund Datan habang buhat-buhat ang malaking kahon na nababalutan ng sako.

Pinigil ang dala nitong bagahe upang suriin at nadiskubreng mga gamit-pampasabog.

Sinabi naman ni Datan na inupahan lamang siya ng ilang kalalakihan na buhatin ang nasabing kahon subalit bigla na lamang nawala ng makita ang presensiya ng mga awtoridad. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments