Trader itinumba ng mga rebelde

ORMOC CITY – Isang lokal na negosyante na pinaniniwalaang pinakahuling biktima sa serye ng mga pinapatay sa lungsod na ito sa mga naunang itinumbang ilang barangay chairmen at ilang tagasuporta ng pulitiko.

Tama ng bala ng kalibre .45 sa kaliwang pisngi at tenga ang tumapos sa buhay ni Cezar Del Socorro, 44, may asawa, umano’y informer ng Military Intelligence Group (MIG) at residente ng Agua Dulce sa lungsod na ito.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO4 Rudy Sano ng homicide precinct 1, ang biktima ay patungo sa simbahan ng Fatima sakay ng kanyang kotse.

Aniya, sinabayan ng dalawang hindi kilalang lalaki na nagmomotorsiklo ang biktima at pagdating sa Bayung Street ay inupakan na ito ng sunud-sunod na putok ng baril bago pinaharurot ang motorsiklo sa direksyon ng Doña Feliza Mejia Subdivision.

Masusing sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong alitan sa landholding at pagiging informer ng biktima kaya pinatahimik ng NPA rebels. (Ulat ni Roberto C. Dejon)

Show comments