Babae sinimento sa drum

CARMONA, Cavite Pinahirapan muna saka pinatay at sinimento sa loob ng drum ang isang hindi pa nakikilalang babae na natagpuan ng ilang empleyado ng Meralco sa Barangay Cabilang Baybay sa bayang ito kahapon ng tanghali.

Ang biktima na walang identification card nang madiskubre ni Alino Jimeno, foreman ng Meralco sa Bacoor, Cavite, ay may edad na 30-38-anyos, may taas na limang talampakan, nakasuot ng kulay pink na damit, blonde ang buhok, itim na bra at walang saplot sa ibabang bahagi ng katawan.

Sa ulat ni PO2 Jennifer Cabigan, bandang alas-12 ng tanghali nang matagpuan ni Jimeno ang bangkay habang siya’y nag-aayos ng poste ng Meralco.

Dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa drum ay tinungo niya ito at bumungad sa kanyang paningin ang ulo ng babae kaya kaagad niyang ipinagbigay-alam sa pulisya ang nadiskubre.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, wasak ang mukha at may palatandaang pinahirapan saka isinilid sa drum at sinimentuhan.

Inaalam pa ng pulisya kung ang biktima ay hinalay muna bago pinatay at pinalalagay na itinapon sa nabanggit na barangay mula sa ibang pook upang iligaw ang mga imbestigador.(Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments