Kinumpirma ni Parang Mayor Vivencio Bataga, Chairman ng Municipal Peace and Order Council ang panununog ng bahay ni Mayor Nasser Imam ng Matanog, Maguindanao na matagal ng kalaban sa pulitika ng mga nabaril at napaslang na magpinsang sina Felix Lidasan at Armando Macapeges at sumugat sa kapatid ni Armando na si Jamal.
Sinabi ng maybahay ng alkalde na si Bai Rakma Ambolodto-Imam na ang insidente ng panununog ay naganap makaraang itanggi nito sa isang radio program sa DXMS na walang kinalaman ang kanilang pamilya sa pamamaril sa magpinsang sina Lidasan at Macapeges noong Lunes.
Nabatid na galing sa Commission on Elections (COMELEC) ang mga biktima upang i-follow-up ang electoral protest na isinampa ng mga ito laban kay Mayor Imam nang ambusin ng salarin ang mga ito.
Agad namang naaresto ng mga rumespondeng awtoridad ang suspek na nakilalang si Usop Camid, 22 na miyembro din umano ng isang political clan sa Matanog.
Nang tanungin ng mga pulis si Camid sa motibo ng pamamaril ay agad nitong sinabi na kalabang mortal ng kanilang angkan ang mga napaslang.
Nabatid na nagsimulang dumanak ang dugo sa pagitan ng magkalabang angkan ng iprotesta ng ama ng mga biktima na si Hadji Kahir ang re-election bid ni Mayor Imam noong nakaraang local election.
Agad namang humingi ng tulong si Bataga mula sa Philippine Marines at Armys 6th Infantry Division upang tiyaking walang madadamay na sibilyan sa tumitindi pang gantihan sa dalawang angkan. (Ulat ni John Unson)