Mag-lola todas sa salpok ng container van

IMUS, Cavite – Kaagad na kinalawit ni Kamatayan ang mag-lola makaraang suyurin ng conatainer van habang ang dalawa ay tumatawid sa kahabaan ng Aguinaldo Highway na sakop ng Brgy. Tanzang Luma ng bayang ito kahapon ng umaga.

Tumilapon ng may ilang metro ang mga biktimang sina Susana Cortez, 40 at apo nitong si Jaycell Jane Poblete, 2-anyos ng Barangay Calubcob, Silang, Cavite.

Samantala, ang drayber ng container van (TWE-129) na nakakulong ay nakilalang si Froilan Siya, 26 ng Brgy. Palati, Tayabas, Quezon.

Sa imbestigasyon ni PO2 Angel Villanueva, tumawid si Susana na kalong ang apo nang salpukin ng rumaragasang van dakong alas-9 ng umaga.

Ayon naman sa suspek na drayber na hindi niya napuna ang pagtawid ng mag-lola sa kahabaan ng nabanggit na highway kaya naganap ang aksidente. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments