Nabatid sa isinumiteng ulat nina P/Supt. Anastacio Inoncillo at P/Supt. Melchor Reyes na bandang alas-12:15 ng madaling araw nang salakayin ang nasabing lugar makaraang isagawa ng pulisya ang magkakasunod na operation matapos na maganap ang isang shoot-out sa Marilao, Bulacan noong gabi ng Nobyembre 2, 2002 sa pagitan ng mga operatiba at ng mga miyembro ng naturang grupo na ikinasawi ng tatlong miyembro ng sindikato.
Narekober ng pulisya sa naturang lugar ang isang colored zerox machine copier, 2 container na naglalaman ng umanoy magic chemical na may kakayahang burahin ang P10.00 papel at gawing palsipikadong P1,000, 3 mga pekeng P1,000 peso bill, 20 piraso ng P10 pisong papel at 5 piraso ng P20 pisong papel.
Nabatid sa intelligence report na may ilang kalalakihan na lulan ng isang itim na Honda Civic at isang L-300 van na parehong walang mga plate numbers ang nagrenta sa nasabing silid kung saan dito isinasagawa ang pag-imprenta ng mga pekeng P1,000 paper bills.
Dalawang nagngangalang Raymund Bautista ng Bunsuran, Pandi, Bulacan at Noel Rado na kasama sa wanted list ng Bulacan PNP at hinihinalang sangkot sa mga well-organized crime at mga lider ng printing operation ng mga pekeng salapi at gayundin ng pagpapakalat ng mga ito, ang kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad upang papanagutin sa nasabing krimen. (Efren Alcantara)