Sa ulat ng Philippine Army, unang naganap ang engkuwentro dakong alas-12:30 ng hapon sa may Sitio Pammalo, Brgy. Mudan, Glan, Saranggani. Nagsasagawa ng patrulya ang mga tauhan ng 11th Special Forces Company ng Army nang mamataan ang mga rebelde.
Tumagal ng halos dalawang oras ang sagupaan nang may 40 rebelde na pinamumunuan ng isang Ka Caloy ng Front 71 ng NPA.
Tumakas ang mga rebelde matapos na tatlo sa mga ito ang masawi at maubusan ng mga bala kung saan hinihinalang marami pa ito ang nasugatan.
Sumunod na nakasagupa ng 2nd Division ng 402nd Brigade ng Philippine Army ang may 30 rebelde sa may Sitio Simuntana, Brgy. Labuan, Esperanza, Agusan del Sur.
Dalawa naman sa mga rebelde ang napuruhan sa naturang bakbakan hanggang sa umatras na rin ang mga ito. Narekober sa naturang lugar ang ibat ibang armas ng mga rebelde at mga subersibong dokumento.(Ulat ni Danilo Garcia)