Ayon sa pahayag ng mga kaanak ay namatay bago pa madala sa pagamutan ang biktimang si Janeth dela Pena habang patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang mga magulang nitong sina Judy at Rudy dela Pena; mga kapatid na sina Regine, 8 at Rosanne, 2; lolo na si Gelacio, 50 at pinsan na si Catherine Sali-ot, 15, pawang mga residente ng Purok 22, Mountain Site, Dalipuga.
Sinabi ng mga doktor na naunang nagsagawa ng serye ng medical examinations sa mga biktima na food poisoning ang dahilan ng pagkamatay ng batang si Janeth at gayundin ng labis na pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka ng mga kaanak nito.
Nabatid na isang lata ng sardinas na may brand name na Golden Cup ang isinahog ng ina ng nasawi sa pancit at naging hapunan ng buong mag-anak ilang oras bago dumanas ng sintomas ng pagkalason ang mga ito.
Napag-alaman din na binili ang sardinas sa isang kilalang grocery sa nasabing lugar na inangkat naman nito ng maramihan sa isang public market sa Pala-o, isang lugar sa bayang ito.
Samantala ay inamin naman ng ina ni Janeth na wala siyang nakitang kahinahinalang marka mula sa lata ng sardinas na itoy expired o sira na ang laman dahil malinis at bago ang label ng nasabing sardinas.
Nabatid na isusulong ng mga opisyal ng barangay ang legal na kaso laban sa may-ari ng brand name na Golden Cup sakaling mapatunayan na ito nga ang dahilan ng kamatayan ni Janeth at pagkalason ng mga kaanak nito.(Ulat ni Lino Dela Cruz)