2 estudyante nalunod sa ilog

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Dalawa sa tatlong estudyanteng elementarya ang iniulat na nasawi makaraang malunod sa pinagliguang ilog sa Brgy. Sapang-bayan, Calumpit, Bulacan kamakalawa ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na sina Darwin Puno, 10, grade 2 at King Castillo, 9, grade 4 na kapwa residente ng Brgy. Balungao sa bayang ito, samantala, ang kasamang si Camille Cruz, 12 ay hindi makausap dahil sa matinding pagkabigla sa nasaksihang pangyayari sa kanyang mga kaibigan.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, nagkayayaang maligo ang tatlo sa ilog at sa hindi inaasahang pagkakataon ay napadpad ang dalawa sa malalim na bahagi ng tubig kaya naganap ang trahedya.

Tinangkang saklolohan ng mga residenteng malapit sa ilog ang dalawa ngunit binawian na rin ng buhay. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments