Pinangunahan ni P/Supt. Francisco Rodriguez, hepe ng pulis-Tanauan ang pagkakadakip kina SPO3 Jesus Mendoza at SPO2 Roger Paneda na kapwa nakatalaga sa Sto. Tomas, Batangas police station, samantala, si SPO3 Avelino Manalo ng Western Police District (WPD) na pinaniniwalaang utak sa kidnapping ay binistay ng bala ng baril ng tatlong hindi kilalang armadong kalalakihang sakay ng Honda Civic na walang plaka sa isang talyer ng sasakyan noong Lunes bandang alas-8:15 ng umaga at nadamay pa ang mekanikong si Aldrin Solis, 16.
Kinilala rin ang dalawang sibilyang suspek na sina Marilou Nevaja na pinaniniwalaang asawa ng isang opisyal ng pulis sa Camp Crame at Severino Manalo na tiyuhin naman ng napatay na si SPO3 Manalo na positibong itinuro ng mga biktimang sina Ronie Jude, 18 at Mark Stephen Velasco, 16, ng Sto. Tomas, Batangas.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya na nag-ugat ang kidnapping makaraang hindi magbayad ng utang ang ina ng dalawang tinedyer na si Judith Velasco ng P3-milyon.
Si Nevaja ay naging tulay sa negosasyon na magbayad si Velasco hanggang sa mapatay si SPO3 Avelino Manalo sa naturang lugar.
Nabatid pa na dakong alas-3 ng hapon nang makatanggap ng tawag sa telepono ang himpilan ng pulisya mula sa hindi nagpakilalang caller na ang mag-utol ay nasa rest house ni Manalo sa Brgy. Pantay Bata, Tanauan, Batangas.
Inabutan pa ng pulis-Tanauan ang mag-utol na nakaposas at positibong itinuro ang mga suspek kabilang na ang dalawang pulis.