Pulis-Maynila, mekaniko binaril, patay

TANAUAN CITY, Batangas – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang pulis-Maynila at isang mekaniko ng tatlong hindi kilalang armadong kalalakihan habang ang dalawa ay nasa loob ng talyer malapit sa Tanauan Institute School kahapon ng umaga.

Hindi nabatid na bilang ng bala ng Armalite M-16 rifle ang tumapos sa buhay ni SPO3 Avelino Manalo, 48, miyembro ng Manila’s finest police Force, Western Police District (WPD) at residente ng Pantay Bata sa bayang ito, samantala, si Aldrin Solis, 16 na tinamaan ng ligaw na bala sa likurang bahagi ng katawan ay namatay habang ginagamot sa CP Reyes hospital.

Narekober ng mga tauhan ni P/Supt. Francisco Rodriguez, hepe ng pulisya sa bayang ito ang 52 basyo ng baril mula sa mga killer na tumakas sakay ng Honda Civic na kulay pilak at walang plaka patungong Batangas City.

Naitala ng pulisya ang krimen bandang alas-8:15 ng umaga habang nagpapagawa ng kotse ang biktima sa Raymac car repair shop, ayon sa inisyal na pagsisiyasat.

Isa sa mga killer ang bumaba ng kotse at binistay ng bala ng M-16 rifle ang biktima at nagkataon namang nakatalikod si Solis nang aksidenteng tamaan ng ligaw na bala na ikinasawi nito. (Ulat nina Ed Amoroso at Arnell Ozaeta)

Show comments