Nakilala lamang sa alyas Kumander Ka Francis ang napatay na rebelde, samantala, ang pitong nasakote ay sina Geronimo Ocampo, 62; Arnel Agait, 24; Bernardo Villanil, 25, ng Guiguinto, Bulacan; Carla Santos, 22; Agnes Reyes, 25; Mae Anne Tapang, 16, ng Baliuag, Bulacan at Angel de Leon, 22, ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa isinumiteng ulat kay P/ Sr. Supt. Felizardo Serafio Jr., Bulacan police director, narekober sa mga rebelde ang 3 M-16 armalite rifles, 2 shotgun, 2 granada, kalibre .45 at .38 baril, motorsiklo at mga subersibong dokumento na may kaugnayan sa kanilang operasyon.
Ayon pa sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang puwersa ng pulis-Bulacan at tropa ng 56th Infantry Battalion ng Phil. Army na may namataang armadong kalalakihan sa naturang lugar na nangangalap ng revolutionary tax sa may-ari ng malawak na lupain sa nabanggit na barangay.
Kaagad namang nagresponde ang mga kawal ng Phil. Army at kapulisan ngunit natunugan sila ng mga rebelde kaya nagpaulan ng putok.
Gumanti naman ang mga awtoridad at sa unang alingawngaw ng putok ay duguang bumulagta si Ka Francis hanggang sa magsiatras naman ang ilang rebelde at makorner naman ang pitong iba pa na hindi na nakuha pang makapalag.
Samantala, nadakip naman ng tropa ng 2nd Infantry Battalion sina Cecilio Ervas, alyas Wilson at Marcos Floralde, alyas Max na pinaniniwalaang mataas na opisyal ng NPA sa Brgy. Carriedo, Gubat, Sorsogon kahapon.(Ulat ni Efren Alcantara)