Sa magkakahiwalay na aksiyon, sinabi ng local na tanggapan ng Commission on Audit (COA) sa isang liham kay Mayor Severino H. Lajara, na hindi nagsumite ang city government ng walong requirements sa COA kaugnay ng bilihan ng lupa.
Ang lupain ay may sukat na 5.5 ektarya at gagamitin ng lungsod para tayuan ng bago nitong city hall building na binigyan ng appropriation na P600 million o may kabuuang P729 million para sa proyekto. Ang malaking halaga ay kukunin sa kaban ng pamahalaang lungsod, ayon sa report.
Dalawang miyembro ng Sangguniang Panglungsod ang kumuwestiyon sa ginawang pagbili ng lupain na nasa Barangay Lecheria, Real.
Sinabi ni City Auditor Ruben C. Pagaspas na dapat isumite agad ni Lajara ang mga requirements batay sa post-audit guidelines ng COA. Sa walong requirements tatlo pa lamang ang naisumite ni Lajara.
Sa kabila nito, idinagdag pa ni Pagaspas na nakapagbayad na ang city government ng tatlong beses ang una ay nagkakahalaga ng P10M noong November 15, 2001; sinundan ito ng P19M noong Pebrero 13, 2002 at ang pangatlo ay P25M noong Mayo 3, 2002.
Sina City Councilors Edgardo H. Catindig at Severino Vergara ay makailang ulit na nagbabala sa Sangguniang Panglungsod na itigil ang bayaran hanggat hindi natitiyak ang tunay na may-ari at kabuuang lawak ng lupain.
Nagsumite rin ng resolution si Catindig na hinihiling kay city treasurer Virginia G. Baroro na itigil ang ikalawang bayaran na P19M samantalang hindi pa nalulutas ang mga isyu tungkol sa land deal. Sinabi niya na makatitiyak ito na ang salaping pambayad ay magugugol ng wasto para sa interes ng bayan. (Ulat ni Lourdes Principe)