Nailigtas naman ng mga awtoridad ang dalawamput tatlong pasahero mula sa nahulog na bus na patungo sana sa Tuguegarao City.
Ayon sa ulat ng pulisya, isa sa mga biktima ay nakilalang si Gerrymon Ordiales habang ang iba pa ay bineberipika ang pagkikilanlan na narekober ang bangkay sa Brgy. Iling may limang kilometro ang layo sa pinangyarihan ng trahedya.
Nakilala naman ang labingwalo sa 23 pasahero na sina Dionisio Manzano Sr. , asawang si Erlinda at mga anak na sina Dionisio Jr., Reggie, Jeffrey, Michael; April Pimentel; Gerry at Jayson Salamangca; Renato Rellorta; Lija Siubal; Joshue Filipina; Chona Druja; Gerry Daen; Imelda Domingo; Engineer Malilin; Karen Torre at Minda Bautista.
Sa pahayag ng mga opisyal ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), naitala ang trahedya bandang alas-4:11 ng hapon makaraang sumampa ang gulong ng bus (PDC-957) sa tagiliran ng kalsada ng tulay.
Hindi na nakuha pang kontrolin ng drayber na si Ferdinand Olibas ang manibela kaya nagtuloy-tuloy sa ilog na malakas ang agos ng tubig.
Dito na naglundagan ang ibang pasahero papalabas ng bus ngunit ang iba naman ay nanatiling naiwan dahil sa tumagilid ang sasakyan dahil sa lakas ng agos ng tubig. (Ulat ni Danilo Garcia)