4 patay, 3 grabe sa banggaan ng trike at bus

CALAMBA CITY, Laguna – May limang araw pa bago sumapit ang All Soul’s Day ay nadagdagan na naman ang biktima ng road mishap matapos na magsalpukan ang traysikel at bus na ikinasawi ng apat katao, samantala, tatlong iba pa ang malubhang nasugatan sa naganap na pangyayari sa Brgy. Halang sa lungsod na ito kamakalawa ng umaga.

Ang mga nasawing biktima ay nakilalang sina Ricardo Villamin, 42, driver ng traysikel; Ruby, 18; Rica Mae Villamin at apong si Dominic Endaya, anim na buwang gulang.

Samantala, malubhang nasugatan naman sina Olympia Villamin, 42 at mag-utol, na Lester at Rodney Villamin ng Purok 11, Brgy. Bucal, Calamba City, Laguna.

Kasalukuyan namang nakakulong ang drayber ng Sta. Teresa shuttle bus na si Francisco Bautista upang papanagutin sa naganap na aksidente.

Ayon sa ulat ng pulisya, naitala ang pangyayari bandang alas-6:30 ng umaga matapos na lumagpas ang traysikel (XB-2929) sa pampasaherong dyip patungong Los Baños ngunit nakasalubong ang bus kaya naganap ang malagim na trahedya. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments