4 pahinante tinodas ng hijackers

CAMP OLIVAS, Pampanga – Apat sa anim na pahinante ng cargo truck ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng walong hindi kilalang armadong kalalakihan, samantala, dalawa naman ang malubhang nasugatan sa naganap na highway robbery sa kahabaan ng MacArthur Highway, Barangay San Agustin, San Manuel, Moncada, Tarlac kamakalawa ng madaling-araw.

Sa isinumiteng ulat kay P/Chief Supt. Oscar Calderon, Police Regional Office 3 director, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Roland Pasar ng Grandmill, Purok 2, Balagtas, Bulacan; Jose Umali, Ernesto San Agustin ng Brgy. Perez, Bulacan at isang hindi pa nabatid ang pangalan.

Samantala, himalang nakaligtas sa kalawit ni kamatayan sina Edgar Abdane ng Brgy. Perez, Bulacan at Hannibal Paragon.

Ayon sa ulat binabagtas ng mga biktima sakay ng cargo truck (WDP-542) ang nabanggit na highway patungong Bulacan nang biglang harangin ng sasakyang kulay puting pick-up na walang plaka bago nagsibaba ang mga hijacker.

Matapos limasin ang P33, 220 at gamit ng mga biktima ay dinala sa malawak na palayan na sakop ng Brgy. Guevarra, Capas, Tarlac bandang alas-2:30 ng madaling-araw bago sabay-sabay na pinagbabaril at sa pag-aakalang patay na ang anim na pahinante ay nagsitakas ang mga mandurugas.

Ngunit himalang nabuhay sina Abdane at Paragon sa kabila ng mga tama ng bala ng baril sa katawan. (Ulat nina Jeff Tombado/Danilo Garcia)

Show comments